
Isinulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kandidatura ng Pilipinas para makakuha ng non-permanent seat sa United Nations Security Council (UNSC) para sa taong 2027 hanggang 2028.
Sa kanyang special address sa UN General Assembly sa New York, USA nitong Martes, Marso 10, binigyang-diin ng Pangulo ang kontribusyon ng bansa bilang isang maaasahang katuwang at tapat na tagapagtaguyod ng kapayapaan.
“The Philippines has regularly proven itself to be an independent, trusted partner, an innovative pathfinder, and a committed peacemaker,” saad ng Pangulo.
Napatunayan na aniya ito nang rumesponde ang bansa sa Korean War kung saan mahigit 7,400 mga Pilipino ang nanilbihan sa ilalim ng United Nations Command.
Noong 1963, tumugon din ang bansa sa tawag ng UN at Congolese government kung saan isinagawa ang kauna-unahang international operation ng Philippine Air Force.
Bukod dito, nakapagpadala rin ang Pilipinas ng 15,000 troops para sa 22 peacekeeping missions sa Africa, Middle East, Carribean, at Asia-Pacific.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na isang pribilehiyo ang maging bahagi ng UNSC at handa aniya ang Pilipinas na maging kaisa sa pagsusulong ng kapayapaan sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon.
“In the midst of mounting challenges and uncertainties, our United Nations need steady, committed, experienced hands; and we humbly offer ours – to serve in the UN Security Council for 2027 to 2028,” panawagan ng lider. – IP











