IBCTV13
www.ibctv13.com

Paglalabas ng P21.47-B pondo, ipinag-utos ni PBBM sa DBM para sa fuel subsidy, pagpapatuloy ng infra-projects

Khengie Hallig
89
Views

[post_view_count]

Photo from PIA, PCO
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Budget and Management (DBM) ang mabilis na paglalabas ng P21.47 bilyong pondo upang maprotektahan ang mga Pilipino mula sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at tiyaking tuluy-tuloy ang serbisyo at mahahalagang proyekto ng pamahalaan.

Sa halagang ito, P2.49 bilyon ang inilaan sa fuel subsidy program ng Department of Transportation (DOTr) para matiyak na makapagpapatuloy sa biyahe ang mga tsuper sa kabila ng mataas na presyo ng langis.

Aabot naman sa P18.65 bilyon ang inilabas para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na gagamitin sa pagpapatuloy ng mga infrastructure project sa buong bansa at mapanatili ang trabaho ng mga manggagawa.

Bukod rito, may karagdagang P324.36 milyon pang ibinigay sa ahensya para mabayaran ang mga naunang obligasyon nito sa mga foreign assisted project at siguruhing matatapos ito sa tamang oras.

“Bawat pisong inilalabas natin ay para magpagaan ng buhay, makatulong sa hanapbuhay, o masigurong tuloy ang serbisyo para sa ating mga kababayan—lalo na ngayon na may mga pangyayari sa ibang bansa na may epekto sa araw-araw na buhay dito sa atin,” saad ni DBM Secretary Rolando Toledo.

Tiniyak naman ng DBM na ang bawat pondong inilalabas ay sumasailalim sa mahigpit na budgeting, accounting, at auditing rules upang masigurong magagamit ito para sa kapakinabangan ng mga Pilipino. – IP

Related Articles