
Upang tiyakin ang kaligtasan ng mga overseas Filipino worker (OFW) na apektado ng patuloy na tensyon sa Middle East, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na lumipad patungong Dubai, United Arab Emirates.
Nais ng Pangulo na personal na suriin ng kalihim ang sitwasyon sa lugar at pangasiwaan ang pagpapauwi sa mga Pilipinong apektado ng kaguluhan.
Sa ngayon, mas madali na ang paglilikas ng mga kababayan mula sa naturang bansa kasunod ng pagbubukas ng ilang land border crossings sa UAE at Israel.
Bilang bahagi ng nagpapatuloy na repatriation ng pamahalaan, isang grupo pa ng mga Pilipino mula UAE ang uuwi mamayang gabi habang 16 na mga Pilipino mula Israel ang inaasahan namang darating bukas, Marso 12.
Samantala, dalawang flights pa mula Riyadh, Saudi Arabia at Fujairah ang pinaplanong isagawa bilang bahagi ng repatriation program. – IP











