IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, inimbitahan ang US investors na tuklasin ang pamumuhunan sa Pilipinas

Kristel Isidro
102
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. met with business leaders in New York during a dinner reception hosted by the LT Group, Inc. (LTG) to pitch the Philippines as a top investment destination. (Photo courtesy of PBBM/Facebook)

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga American investor na tuklasin ang mas maraming oportunidad sa Pilipinas, kasabay ng pagtitiyak na patuloy na pinapabuti ng pamahalaan ang investment climate sa bansa.

Sa isang reception dinner na inorganisa ng LT Group Inc. sa New York City, iginiit ng Pangulo na handa ang kanyang administrasyon na makipagtulungan sa mga dayuhang kumpanya.

Aniya, hindi lamang ito simpleng slogan kundi isang malinaw na pangako ng pamahalaan na palakasin ang pamumuhunan at ugnayang pang-ekonomiya.

Tinukoy ng Pangulo ang sektor ng manufacturing at sinabing dahil sa pagbabago sa pandaigdigang supply chain, hindi na nakasentro sa iisang lokasyon ang operasyon ng mga negosyo. Naghahanap na ang mga ito ng mapagkakatiwalaan at ibang alternatibo.

Aniya, may kakayahan ang Pilipinas na maging mahalagang bahagi ng nasabing industriya dahil sa skilled, adaptable, at English-speaking workforce, gayundin sa patuloy na pag-unlad ng imprastraktura.

Binanggit din ng Pangulo ang mga oportunidad sa electronics, aerospace components, medical device manufacturing, food processing, at high-value manufacturing.

Sa larangan naman ng financial services, sinabi ng Pangulo na nananatiling maraming Pilipino ang hindi pa naaabot ang tradisyunal na banking system, na magbubukas ng malawak na oportunidad para sa negosyo at inobasyon.

Bida pa ng Pangulo, aktibong nakikipag-ugnayan ang gobyerno sa mga hyperscalers, data center operators, at technology companies upang maisama ang Pilipinas sa imprastraktura ng lumalawak na digital economy.

Binigyang-diin ng Pangulo na hindi naghihintay ang Pilipinas na matuklasan ng mga investor, kundi aktibo itong naglalatag ng argumento kung bakit dapat piliin ng mga negosyo ang bansa.

Dumalo sa naturang pagtitipon ang mga miyembro ng U.S.-Philippines Society (USPS), U.S.-ASEAN Business Council (U.S.-ABC), at Philippine-American Chamber of Commerce (PACC), kasama ang mga negosyanteng Amerikano at delegasyon ng mga negosyanteng Pilipino. – VC