IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, ininspeksyon ang kalidad ng modular classrooms sa Bataan na solusyon sa shortage ng silid-aralan

Kristel Isidro
98
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. personally inspected the newly built prefabricated classrooms in Mariveles, Bataan today, March 19. (Photo courtesy of PCO)

Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang itinayong prefabricated classrooms sa Mariveles National High School sa Bataan ngayong Huwebes, Marso 19, na bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.

Ang mga silid-aralan ay itinayo gamit ang modular technology na nagpadali at nagpaikli sa panahon ng konstruksyon kumpara sa tradisyunal na pamamaraan.

Tinatayang 1,031 mag-aaral ang agad na makikinabang sa mga bagong pasilidad, na tutugon sa kakulangan ng halos limang silid-aralan dito bunsod ng inaasahang pagdami ng mga enrollee.

Kasabay nito, namahagi ang Pangulo ng 300 learning tablets, na bahagi ng kabuuang 9,660 kagamitang ilalaan sa 66 na paaralan.

Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara, nagsisilbing pansamantalang solusyon ang modular classroom habang itinatayo ang mga permanenteng gusali ng paaralan.

Sa tulong ng suporta mula kay First Lady Liza Araneta-Marcos at ng Next Gen Foundation, natapos ang mga classroom sa loob lamang ng halos dalawang linggo.

Bumisita rin ang Pangulo sa prefabrication plant ng Corner Stone Corp. sa Barangay Alasasin, Mariveles, kasama sina Bataan Governor Jose Enrique Garcia III at Engr. Alfredo Comendator Jr., na presidente ng korporasyon. – VC