IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, ipapanawagan ang kapayapaan sa Middle East sa kanyang pagbisita sa UN headquarter sa Amerika

Kristel Isidro
112
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. addresses the 77th Session of the United Nations General Assembly at UN Headquarters in New York City, US, last September 20, 2022. (Photo courtesy of PCO)

Inaasahang gagamitin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkakataon na bumisita sa United Nations (UN) headquarter sa New York City, United States mula Marso 9 hanggang 10 upang manawagan ng kapayapaan para sa Middle East.

Ayon kay DFA Spokesperson Asec. Angelica Escalona sa pre-departure briefing, kabilang sa mga tatalakayin ng Pangulo sa kanyang pagpupulong sa UN ang kahalagahan ng paggalang sa international law, UN Charter, at humanitarian law.

Ani Escalona, napapanahon ang panawagan ng Pilipinas para sa kapayapaan lalo na sa gitna ng mga pangyayari sa Middle East.

“Ito po ang tamang pagkakataon dahil sa mga nangyayari ngayon sa Middle East. Ang UN ang pinakaangkop na lugar upang manawagan ang ating Pangulo para sa kapayapaan sa Middle East at sa kaligtasan ng lahat ng mga sibilyan, lalo na ng ating mga kababayan,” pahayag ni Escalona.

Sa ngayon, sinabi ng opisyal na pinag-iisipan pa ng Pilipinas ang imbitasyon ni US President Donald Trump na maging bahagi ng “Board of Peace” na layong tumulong sa pagresolba ng tensyon sa rehiyon.

Kabilang sa agenda ni Pangulong Marcos Jr. sa Estados Unidos ang pagbabahagi ng talumpati sa ika-70 session ng Commission on the Status of Women (CSW-70) kung saan inaasahang bibigyang-diin niya ang karapatan ng kababaihan.

Nakatakda ring dumalo ang punong ehekutibo sa isang special session ng UN General Assembly kung saan muling hihingi ang Pilipinas ng suporta mula sa mga miyembrong estado ng UN para sa kampanya ng bansa na maging non-permanent member ng Security Council.

Habang nasa US, makikipagpulong din ang Pangulo kay UN Secretary-General Antonio Guterres.

Bagama’t wala pang katiyakan kung mabubuksan ang usapin tungkol sa West Philippine Sea (WPS) sa mga pagpupulong ng Pangulo, inaasahan na magkakaroon ng malaking epekto ang mga pagtitipon sa soberanya ng bansa, maritime security, global economy, at sa kaligtasan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa iba’t ibang bansa. (Ulat mula kay Eugene Fernandez) – VC