
Agad na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at cyber teams ng pamahalaan ang pagpapalakas ng seguridad laban sa posibleng Distributed Denial of Service (DDoS) attacks ngayong araw, Nobyembre 5.
Bilang tugon, in-activate ng DICT ang Oplan Cyber Dome upang tiyaking protektado ang mga digital services ng gobyerno gayundin ang mga kritikal na imprastraktura tulad ng mga bangko, telcos, at ospital.
Nilinaw ni DICT Secretary Henry Aguda na ang DDoS attack ay hindi data breach, kundi isang klase ng traffic jam sa internet kung saan sabay-sabay na dumarami ang request sa isang website kaya ito bumabagal o hindi ma-access.
Ayon kay Aguda, may mga na-detect na pagtatangkang pag-atake ngunit naagapan ito ng mga anti-DDoS equipment. Wala rin umanong naitalang aberya sa operasyon ng mga bangko.
Tiniyak ng DICT sa publiko na walang dapat ikabahala, at nananatiling alerto at handa ang ahensya sa anumang banta ng cyber attack. (Ulat mula kay Eugene Fernandez) –VC











