
Agad na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang pagsasagawa ng evacuation sa mga baybaying lugar, pag-activate ng emergency communication lines, at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan matapos ang pagyanig ng magnitude 7.4 na lindol sa Davao Oriental ngayong Biyernes, Oktubre 10.
Inatasan ng Pangulo ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Office of Civil Defense (OCD), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang ahensya na maglunsad ng search, rescue, at relief operations sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Pangulong Marcos, nag-preposition na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga food pack at iba pang tulong, habang handa ang Department of Health (DOH) sa pagbibigay ng emergency medical assistance.
Samantala, naglabas ng tsunami warning ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) mula 9:43 a.m. hanggang 11:43 a.m. para sa ilang bahagi ng Mindanao at Visayas. As of 1:43 p.m. tuluyan nang inalis ang inisyung babala.
Panawagan naman ng Pangulo sa mga residente na lumipat sa mas mataas na lugar, manatiling kalmado, at sumunod sa mga tagubilin ng mga lokal na awtoridad para sa kanilang kaligtasan. –VC