IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, ipinag-utos ang pagbuo ng crisis management committee sa gitna ng sigalot sa Middle East

105
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. (Photo courtesy of Anadolu via PNA, PBBM/Facebook)

Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbuo ng isang crisis management committee na tututok sa epekto ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.

Ayon sa Malacañang, kasalukuyan nang isinasapinal ang dokumento hinggil sa magiging komposisyon ng naturang komite, kabilang ang pagtukoy sa mga opisyal na magiging bahagi nito.

Gayunman, nilinaw ng Palasyo na hindi ito nangangahulugang may umiiral na krisis sa suplay ng langis sa Pilipinas.

Nilinaw ni Palace Press Briefer Claire Castro na bagama’t may naging paggalaw sa presyo, nananatiling sapat ang suplay ng krudo sa bansa, maging ang suplay ng mga pagkain.

“Kung pag-uusapan po natin ang suplay ay wala po tayong sasabihing krisis pagdating sa suplay; maybe mayroon pong price disruption dahil nga po sa nangyayaring oil crisis sa Middle East,” ani Castro.

Sa kabila nito, handa ang pamahalaan na magpatupad ng karagdagang ayuda para sa mga sektor na direktang apektado, kabilang ang mga driver at operator ng pampublikong sasakyan.

Suportado rin ng Pangulo ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) na magtakda ng price cap na P50 kada kilo para sa imported rice, bilang hakbang upang mapagaan ang gastusin ng mga mamimili.

Inaasahan din na lalagdaan ng Pangulo ang panukalang magbibigay sa kaniya ng otoridad na ipasuspinde ang excise tax sa langis, sa sandaling maisumite ng Kongreso.

Gayunpaman, ipinaliwanag ng Malacañang na hindi maaaring ipatupad kaagad ang suspensyon kung hindi pa natutugunan ang mga kondisyon na nakasaad sa panukala.

Nakasaad sa panukala na kinakailangan munang umabot sa hindi bababa sa 80 US dollars kada bariles ang presyo ng langis sa loob ng 30 araw bago maisaalang-alang ang paggamit ng naturang kapangyarihan.

Patuloy rin ang paninindigan ng Pangulo na ipagpaliban hangga’t maaari ang anumang taas-pasahe sa pampublikong transportasyon, lalo na’t may nakalaang tulong-pinansyal para sa mga tsuper upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. (Ulat mula kay Harley Valbuena) – VC