
Pinababalangkas na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang Executive Order (EO) na bubuo sa isang independent commission na siyang magsisiyasat sa mga umano’y anomalya sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa Pangulo, magsisilbing investigative arm ang itatatag na komisyon na tatanggap, susuri, at magbibigay ng rekumendasyon kung dapat kasuhan, dalhin sa Ombudsman, o sampahan sa Department of Justice (DOJ) ang mga sangkot.
Dagdag ni Marcos, hindi lamang flood control projects ang aabutin ng imbestigasyon, kundi pati ang iba pang operasyon ng DPWH kabilang na ang umano’y mga siningit sa panukalang national budget para sa taong 2026.
“Kasi, unfortunately, the more we look, the more we find. Kahit sa 2026 budget, marami pa ring sinigit. So, talagang it really needs to be cleaned out properly,” saad ng Pangulo.
Sa ngayon, pinag-aaralan pa ang magiging istruktura ng komisyon mula sa mga miyembro hanggang sa itatalagang chairperson nito.
Ayon sa Pangulo, kailangan itong buuin ng mga eksperto tulad ng forensic investigators, abogado, prosecutors, at mga dating mahistrado upang masiguro ang kredibilidad at integridad ng kanilang mga rekumendasyon. –VC