
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na magpadala ng mga medical team at health professional sa iba’t ibang evacuation centers sa bansa upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng mga sakit.
Kasunod ito ng pagbisita ng Pangulo sa ilang evacuation center sa probinsya ng Rizal ngayong Huwebes, Hulyo 24, kung saan nadatnan nito ang siksikan na sitwasyon ng mga bakwit sa lugar.
“I was concerned about ‘yung nakita ko sa evacuation center. Napaka-congested. ‘Yung sakit, pagka-isa lang diyan ay nagkasakit, kakalat nang napakabilis niyan. And so we are making sure every evacuation center has a medical team,” saad ng Pangulo.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., ang bawat medical team ay dapat binubuo ng mga doktor at nurse mula national at local government units.
Nilinaw ng lider na responsibilidad ng pambansang pamahalaan na tiyaking may sapat na suplay ng gamot at gamit ang mga ipapakalat na medical team.
“Ang trabaho lang talaga sa national ay tiyakin ne meron silang sapat na supply ng mga gamit at mga gamot, and that’s what we’re doing now. So far that’s what we have to attend to,” ani Pangulong Marcos Jr.
Kasunod ng kanyang official visit sa Washington, D.C., walang sinayang na panahon ang Pangulo at agad na binisita ang mga evacuation center upang personal na mamahagi ng tulong sa mga indibidwal na apektado ng bagyong Emong at Dante, gayundin ng nagdaang bagyong Crising at Habagat. – VC