IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM kay Dizon: Courtesy resignation ng lahat ng opisyal ng DPWH

Hecyl Brojan
80
Views

[post_view_count]

President Ferdinand Marcos Jr. leads the oath-taking of Vince Dizon as the new Secretary of the Department of Public Works and Highways on Monday, September 1, 2025. (Photo from PCO)

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang “clean sweep” sa Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos ang mga ulat ng iregularidad at ‘ghost projects’ sa ahensya.

Inihayag ito ni bagong talagang DPWH Secretary Vince Dizon sa isang press briefing sa Malacañang ngayong Lunes, Setyembre 1, ilang oras matapos siyang manumpa bilang kapalit ni dating Secretary Manuel Bonoan.

Ayon kay Dizon, unang direktiba ng Pangulo ang courtesy resignation ng lahat ng opisyal ng DPWH, mula undersecretary, assistant secretary, division head, regional director, hanggang district engineer sa buong bansa.

Isasailalim sa masusing pagsusuri ang lahat ng opisyal upang matukoy kung sino ang nararapat ilagay sa mga sensitibo at mahahalagang posisyon.

Para kay Dizon, imposibleng magkaroon ng mga ghost project nang walang sangkot na opisyal mula sa loob ng ahensya.

Tinukoy din niya ang natuklasang ghost flood control project ni Pangulong Marcos Jr. sa Calumpit, Bulacan, na kung saan napag-alamang nabayaran ang kontratista sa kabila ng kawalan ng aktuwal na proyekto.

Tiniyak naman ng kalihim na agad na sisimulan ng kagawaran ang paglilinis at pananagutin ang sangkot na mga opisyal at kontratista. –VC