
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magsasagawa ang pamahalaan ng isang multi-sectoral conference upang bumuo ng komprehensibong polisiya patungkol sa online gambling.
Sa pinakabagong episode ng BBM Podcast nitong Huwebes, Agosto 7, sinabi ng Pangulo na sadyang hindi sinama ang isyu ng online gambling sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) dahil kasalukuyan pa itong tinatalakay.
“We still have to form the policy on what we are going to do about online gambling. And to this end, I have already started to organize, to convene a conference of all the stakeholders,” sagot niya.
Kabilang sa makikilahok sa pagpupulong ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), mga religious group, magulang, at iba pang sektor.
Layunin ng talakayan na masusing pag-aralan ang regulasyon sa online gambling upang matugunan ang mga suliraning panlipunan tulad ng pagka-adik, pagkakabaon sa utang, at pagkakalantad ng kabataan sa sugal.
“These are the things that we are going to examine, and we will come up with a plan to make sure that we address the problem,” saad ng Pangulo.
Dagdag niya, ang tunay na problema ay hindi ang online gambling mismo kundi ang masamang epekto nito sa lipunan, lalo na sa kabataan at mga nalululong dito. –VC