
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang makalulusot na ghost projects at substandard na silid-aralan sa ilalim ng bagong Memorandum of Agreement (MOA) ng Department of Education (DepEd) at local government units (LGUs) para pabilisin ang pagtatayo ng mga classroom sa bansa.
Ayon sa Pangulo, masisiguro ang kalidad ng mga proyekto dahil direktang mananagot ang mga LGU sa kanilang komunidad.
“Ang sabi ko nga sa kanila, sa lahat, eh sabi ko, papaano ‘yan baka magkaproblema ulit sa ghost project at saka sa substandard? Ang sabi ko, hindi uubra ‘yan pagka sa LGU. Hindi uubra ‘yan dahil ang tao mismo ang kaharap ninyo,” sinabi ni Pangulong Marcos sa ceremonial signing ng MOA sa Malacañan Palace ngayong Miyerkoles.
“Pagka hindi maganda ang gawin ninyong trabaho, sisitahin kayo. Araw-araw kayong – gabi-gabi kayong kakatukin sa bahay ninyo, sasabihin, ayusin ninyo ‘yung problema. Kaya’t malakas ang loob ko na magiging maayos lahat ng ating gagawin,” dagdag ng Pangulo.
Sa ilalim ng kasunduan, ang DepEd ang magbibigay ng pondo, teknikal na pamantayan, at disenyo, habang ang LGUs ang bahala sa procurement at konstruksyon.
Naglaan ang pamahalaan ng PhP9.6 bilyon para sa humigit-kumulang 4,000 bagong silid-aralan.
Binigyang-diin din ng Pangulo na direktang ibababa ang pondo sa LGUs upang maiwasan ang delay.
“By giving the LGUs greater role in the implementation, we streamline the process. We reduce delays, and move faster in building schools that our children need,” aniya.
(“Sa pagbibigay ng mas malaking papel sa LGUs sa implementasyon, mas pinapadali natin ang proseso. Binabawasan natin ang mga pagkaantala, at mas mabilis tayong magtatayo ng mga paaralan na kailangan ng ating mga anak.”)
Ang MOA ay bahagi ng mga hakbang ng administrasyon ni Pangulong Marcos upang tugunan ang classroom shortage na umabot sa 145,000 units noong Disyembre 2025. (PND)











