IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM: Mga kumpanyang sangkot sa anomalya sa flood control projects, kakasuhan, blacklisted

Divine Paguntalan
125
Views

[post_view_count]

Ongoing multi-phase flood mitigation project in Sitio Cabula, Lumbia, Cagayan de Oro City. (Photo from ZRD/PIA-10)

Nagbabala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na papatawan ng parusa ang mga pribadong kumpanya na mapatutunayang sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Sa Episode 3 ng BBM Podcast, kinumpirma ng Pangulo na may mga contractor na agad ang napangalanan at posibleng maharap sa blacklisting at iba pang kaso.

“We already have some names that are coming up. First of all, corporations that, mga contractor na talagang kitang-kita na hindi maganda ang trabaho nila. We will put them on a blacklist. Hindi na sila puwedeng magkontrata sa gobyerno,” saad ng Pangulo.

Aniya, kailangang magsumite ng malinaw na paliwanag ang mga kumpanyang ito kung paano ginamit ang pondong inilaan para sa mga naturang proyekto.

Kung hindi naman makapagbigay ng katanggap-tanggap na paliwanag ay itutuloy ng pamahalaan ang pormal at ligal na hakbangin laban sa kanila.

Matatandaang sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, inatasan ng punong ehekutibo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Regional Project Monitoring Committee na magsumite ng komprehensibong listahan ng lahat ng flood control projects sa nakalipas na tatlong taon, kabilang ang mga nabigong proyekto at hindi talaga naisakatuparan.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng administrasyon laban sa katiwalian at kawalang-aksyon sa mga proyektong pinopondohan ng bayan. – VC