IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, nagbaba ng mandato sa mga ahensya bilang paghahanda sa sakuna

Alyssa Luciano
276
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. leads the inspection of the damaged infrastructures in Talisay, Batangas. (Screengrab from RTVM)

Iba’t ibang direktiba ang ibinaba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan bilang paghahanda sa epekto ng anumang kalamidad upang hangga’t maaari ay maiwasan ang pagkasawi ng mga Pilipino.

Kasabay ng kanyang pagbisita sa Talisay, Batangas, karamihan sa naging direktiba ng Pangulo ay nakatuon sa pagpapalakas pa sa kahandaan ng bansa mula sa sakuna, pagpapatibay sa mga imprastraktura, pagsusuri sa gagamiting mga materyales, pati na ang maayos na ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan at komunidad.

Narito ang mga mahigpit na ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. para sa iba’t ibang ahensya ng kanyang administrasyon:

  1. Kinakailangan ng Department of Science and Technology (DOST) na mapabuti pa ang warning system nito upang agad na maalerto mula sa maaaring maging epekto ng bagyo.

  2. Ang DOST at ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay inatasan na tiyakin na mayroon itong maayos na komunikasyon sa mga lokal na pamahalaan upang agad na makapaghanda sa kalamidad.

  3. Nais ng Pangulo ipagpatuloy ang ‘Operation Listo’ program ng DILG na layong mapalakas ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan pati na ang pagtugon at pagmo-monitor sa epekto ng kalamidad.

  4. Inatasan din ang National Irrigation Administration (NIA), Department of Energy (DOE), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na unti-unti nang bawasan ang water level sa mga dam bago pa dumating ang mga bagyo bilang paghahanda sa posibleng pagtaas ng tubig.

  5. Ipinag-utos din ang pagsusuri sa pamamaraan ng National Disaster Risk and Management Council (NDRRMC) partikular na sa disaster response nito upang mas mapabilis ang paghahatid ng tulong sa apektadong mga komunidad.

  6. Nagbaba rin ng direktiba ang Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na isaayos ang ‘slope protections designs’ nito sa mga kalsada at tulay na akma para sa nagbabagong klima.

  7. Pinabibilisan na rin ng Pangulo sa DPWH ang pagbuo sa Taal Lake Circumferential Road pati na ang iba pang mga infrastructure project ng ahensya kasabay ng mandato na tiyakin na maayos at matibay ang mga proyekto.
  8. Ang Department of Trade and Industry (DTI) ay inatasan na suriin ang mga materyal na gagamitin para sa mga proyekto ng pamahalaan upang matiyak na maayos ang kalidad nito.

Muling binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng maagang paghahanda mula sa anumang epekto ng sakuna na nararapat nang aksyunan upang hindi na maging sanhi ng malaking kawalan para sa maraming mga Pilipino.