
Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakikipagtulungan na ang gobyerno ng Pilipinas sa ibang bansa para magtuluy-tuloy ang pagpapatupad ng “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” Program sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Sa isang panayam matapos dumalo sa 46th ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia, tiniyak ng Pangulo na gumagawa ng paraan ang gobyerno para mapanatili ang bentahan ng P20 kada kilo ng bigas hanggang taong 2028.
“We’re making deals with different countries para ‘yung presyo mapako na, na hindi pabago-bago. Kahit anong mangyari down the road, nagawa na ngayon natin. Wala tayong ganoon noon eh. Ngayon mayroon na. Kaya’t kaya na nating gawin ‘yung PHP20,” saad ng Pangulo.
Kasabay nito, itinanggi ng lider ang mga haka-haka na hindi magtatagal at pampaganda lang ng imahe ang inisyatibo ng murang bigas para sa vulnerable sector.
“Watch me sustain it. And then, we’ll talk in May of 2028, natuloy ba o hindi. We found a way. We found a way to do it. We found a way to do it,” hamon ng lider.
Hindi naman na nagulat ang punong ehekutibo na marami ang natuwa sa abot-kayang halaga ng bigas lalo na’t mabibili na ito sa 38 Kadiwa ng Pangulo sites sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.
Bukod dito, kasalukuyan din itong umaarangkada sa 16 lokal na pamahalaan sa Cebu.
Nakatakdang ipatupad ang Phase 2 ng programa sa darating na Hulyo sa Zamboanga del Norte, Basilan, Cotabato City, Tawi-Tawi, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao, Davao Oriental, at Sorsogon.
Sunod namang ilulunsad ang Phase 3 ng murang bigas sa Sultan Kudarat, Lanao del Norte, Catanduanes, Agusan del Sur, Sarangani at Dinagat Islands. – VC