
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Lunes ang pamamahagi ng mga bagong tahanan at tulong sa mga benepisyaryo ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program bilang bahagi ng ika-7 anibersaryo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Sa naturang programa, binigyang-diin ng Pangulo ang kanyang pangako na magbigay ng disente at abot-kayang pabahay sa mga pamilyang Pilipino.
“Maraming kababayan pa natin ang nangungupahan nang walang katiyakan. Ang iba naman, walang sapat na proteksyon ang tirahan laban sa sakuna. Ang mga hamon na ito ang patuloy na tinutugunan ng DHSUD,” sinabi ni Pangulong Marcos sa okasyon na idinaos sa Megawide Precast Plant sa Taytay, Rizal.
Personal na ipinagkaloob ng Pangulo ang mga simbolikong susi para sa vertical at horizontal housing units, gayundin ang Certificates of Lot Award at tulong pinansyal para sa land at site development sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP).
Ipinagkaloob din niya ang Certificates of Entitlement sa mga benepisyaryong matagal nang naghihintay sa bisa ng mga Presidential Proclamations, na sa wakas ay nagbigay sa kanila ng kapanatagan sa lupang tinitirhan.
“Sila po ang mga kinatawan ng mga pamilyang natulungan natin na makamit ang pangarap na panatag sa lupang tinitirhan at bagong pag-asa sa bagong tahanan,” diin ni Pangulong Marcos.
“Nawa’y alagaan ninyo ang inyong mga bahay at punan ito ng maraming magagandang alaala kasama ng inyong mga mahal sa buhay.”
Itinatag noong Pebrero 14, 2019 sa bisa ng Republic Act No. 11201, ang DHSUD ang pangunahing ahensya na nangangasiwa, nagbabalangkas, at nakikipag-ugnayan hinggil sa mga programa sa pabahay at urban development. | PND











