Naghatid si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mahigit P70-milyong halaga ng tulong-pinansyal at pangkabuhayan sa mga residente ng Ilocos Norte na hinagupit ng Typhoon Marce.
Personal na tinanggap ni Ilocos Norte Vice Governor Cecillia Araneta-Marcos ang P50-milyong financial assistance mula sa Office of the President sa ginanap na distribusyon sa Pagudpud Cultural and Sports Complex ngayong Linggo, Nobyembre 10.
Aabot naman sa P20-milyong halaga ang inilaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program kung saan inaasahang mapapakinabangan ito ng nasa 3,895 apektadong residente.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 2,903 pamilya o katumbas ng 9,340 katao ang apektado ng bagyo sa Ilocos Norte.
Nananatili pa rin ang aabot sa 540 pamilya o 1,635 indibidwal sa mga evacuation center sa nasabing probinsya.