
Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang zero balance billing program sa kanilang mga ospital, matapos ang matagumpay na pagpapatupad nito sa 78 pasilidad ng Department of Health (DOH).
“Ang aking samo ay maging laganap din ito sa mga hospital sa ilalim ng lokal na pamahalaan. Kung saan, hindi kailangan maglabas ng pera ang mga naghihirap nating may sakit,” ani Marcos sa kanyang talumpati sa panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng League of Provinces of the Philippines (LPP).
Sa ilalim ng programa, hindi na kailangang magbayad ng hospital bills ang mga pasyenteng naka-confine sa basic o ward accommodation, bagay na makakatulong upang maibsan ang pasaning pinansyal ng mga pamilyang kapos sa kita.
Binigyang-diin ng Pangulo na mahalagang mapalawak ang inisyatiba habang umaasang maging katuwang sana ang LPP upang mapabilis at matiyak ang abot-kaya at pantay na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.
Kasabay nito, hinikayat ni Marcos ang paggamit ng makabagong teknolohiya tulad ng artificial intelligence (AI) at data analytics upang mapahusay ang frontline services para sa publiko.
Personal na binisita ng Pangulo ang ilang pangunahing ospital kabilang ang Bataan General Hospital and Medical Center, Eastern Visayas Medical Center, at East Avenue Medical Center upang masiguro ang pagpapatupad ng zero balance billing at matiyak na natatanggap ng mga pasyente ang pangakong tulong-pinansyal mula sa pamahalaan. –VC