
Isa nang ganap na batas ang Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) Act matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Setyembre 12, na nagtatakda sa VIP bilang pangunahing pambansang institusyon sa virology research at vaccine development sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST).
Layunin nitong palakasin ang depensa ng bansa laban sa mga sakit at mas mapabuti ang kahandaan sa mga posibleng outbreak ng sakit sa hinaharap.
Ayon sa DOST, susundan ng VIP ang One Health Approach, na tututok sa lokal na paggawa ng diagnostics, therapeutics, at bakuna para sa viral diseases na nakaaapekto sa tao, hayop, at halaman. Kabilang sa mga karaniwang sakit sa bansa ang Acute Respiratory Infection, Influenza, Chicken pox, Dengue, Hepatitis, at Measles.
Kaya rin ng VIP na tugunan ang mga viral disease sa hayop tulad ng African Swine Fever at Avian Influenza, at kasalukuyang binubuo nito ang sistema para sa maagang pagtukoy ng Tomato Leaf Curl Virus para sa mga halaman.
Target din ng nasabing institusyon na mas mapalakas ang kaligtasan sa pagkain at kalusugan ng publiko.
Inaasahang makakatuwang ng DOST ang Department of Health, Department of Agriculture, at iba pang ahensya para sa pagpapatupad ng VIP upang palawakin ang lokal na kapasidad sa pananaliksik, dagdagan ang kaalaman sa virus strains, at maihanda ang bansa sa mas matatag na sistema ng kalusugan. –VC