Ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino na patuloy na mananaig at laging masusunod ang rule of law sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Kasunod ito ng mga binitiwang pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban sa buhay ng Pangulo pati na kina First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang video statement, iginiit ng Pangulo na hindi na ito palalagpasin pa ngayon.
“‘Yang ganyang pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas. ‘Yan ay aking papalagan. As a democratic country, we need to uphold the rule of law,” bahagi ng kanyang opisyal na pahayag.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr. dapat maging prayoridad ng pamahalaan ang tungkulin para sa bansa at ang kapakanan ng mamamayang Pilipino sa halip na ‘political drama’ lalo na’t maraming pagsubok ang kinakaharap ng bansa partikular ang sunud-sunod na nagdaang bagyo.
“Igalang natin ang proseso. Tuparin natin ang batas. Alalahanin natin ang mandato na pinagkatiwala sa atin ng milyong-milyon na Pilipino. Magtrabaho po tayo sa ikauunlad ng Republika ng Pilipinas at para matamo ang Bagong Pilipinas,” paalala ng Pangulo sa mga opisyal ng pamahalaan.
Sa kabila ng mga pambabatikos, muli niyang binigyang-diin na nananatiling nakatuon ang kanyang pansin sa mga isyung dapat unahin sa bansa. – VC