
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang oath-taking ng 1,991 mga bagong talagang guro at school head mula sa Bulacan at Pampanga sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) system ngayong Huwebes, Pebrero 19, na ginanap sa CSJDM Sports Complex sa San Jose del Monte, Bulacan.
Ito na ang ikatlong seremonya kasunod ng naunang oath-taking ng mga guro sa Ilocos Norte at National Capital Region (NCR) kamakailan.
“I have always believed that the true measure of a nation’s progress is the kind of future that we prepare for our youth. Policies and programs set the direction, but it is through you—our teachers—that these aspirations take root and grow,” mensahe ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, personal niyang dinaluhan ang seremonya upang bigyang-diin ang kahalagahan ng tagumpay na ito para sa mga itinuturing na bagong bayani at pangalawang magulang ng mga mag-aaral.
Nagbigay-pugay din siya sa mga sakripisyo ng mga guro at sa hindi matatawarang serbisyo ng mga ito hindi lamang sa paaralan kundi maging sa iba pang responsibilidad, gaya ng pakikibahagi sa eleksyon, census, at serbisyo sa komunidad.
Nangako naman si Pangulong Marcos Jr. na patuloy ang pagsisikap ng kanyang administrasyon na pataasin ang posisyon ng marami pang guro upang walang magreretiro bilang Teacher I lamang. – IP











