Buong puso ang pasasalamat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa lahat ng first responder teams at local government units (LGUs) na nagtulung-tulong para mabawasan ang malalang epekto ng Super Typhoon Pepito.
Aniya, hindi biro ang responsibilidad at dedikasyon sa serbisyo ng response teams dahil sunud-sunod ang dumaang bagyo sa bansa.
“Kailangan pasalamatan natin lahat ng mga first responder, ‘yung mga LGU, lahat ng mga nagtatrabaho. Pang-anim na [bagyo] nila ito. I’m sure that they are exhausted. I am sure that they continue to do and work as hard as they can. Kaya’t tayo po’y nagpapasalamat sa kanila,” mensahe ni Pangulong Marcos Jr.
Nagpasalamat din siya sa taumbayan dahil sa pagsunod nila sa mga awtoridad kaugnay sa maagang paglikas at iba pang preemptive measures bago pa man tumama ang bagyo.
“At sa taong-bayan din [nagpapasalamat tayo]. Sila ay tumutulong. Sinusundan nila ang ating mga bulletin tungkol sa kung anong kailangang gawin,” dagdag pa ng punong ehekutibo.
“Kahit papaano, sa lakas ni Pepito, ang epekto [niya ay] hindi [naging] kasing sama ng aming kinakatakutan. It wasn’t as bad as we feared,” saad niya.
Samantala, hinimok din niya ang mga Pilipino na magbahagi sa mga kapwa na nasalanta ng mga nagdaang bagyo lalo na’t nalalapit na ang kapaskuhan.
“Sana naman pagkadating ng Pasko, tayong mga Pilipino, alalahanin natin ang ating mga kababayan na nasalanta,” mensahe niya sa publiko.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr. patuloy ang pagsasagawa ng ‘relief and rebuilding efforts’ ng pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipinong nasalanta ng bagyong Pepito. – AL