Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na siguruhing hindi maaantala ang serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko.
Sa kabila ng kawalan ng subsidy mula sa 2025 national budget, tiniyak ng Pangulo na mananatiling operational ang PhilHealth sa pagbibigay ng kinakailangang suporta sa sektor ng kalusugan.
“Make sure that services of PhilHealth remain unhampered … it (zero budget) should not affect the delivery of healthcare services,” pagbibigay-diin ni Pangulong Marcos Jr. sa isang pagpupulong sa Malakanyang.
Hinimok ng Pangulo si Sec. Herbosa na baguhin ang prayoridad ng DOH mula sa curative healthcare patungo sa preventive healthcare dahil mas epektibo ito at mas matipid para sa bansa.
Kabilang pa sa pangunahing direktiba ni Pangulong Marcos Jr. ang pagpapabilis ng digitalisasyon sa DOH upang mapabuti ang kalidad ng serbisyo at gawing mas kapaki-pakinabang ang kabuuang operasyon ng ahensya.
Sa kabila ng hamon sa pondo ng PhilHealth, tiniyak ng administrasyon na hindi mapapabayaan ang sektor ng kalusugan. – VC