IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM sa DPWH: Pag-aralan ang watershed containment sa Sierra Madre para maibsan ang pagbaha

Divine Paguntalan
147
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. inspected the Pasig-Marikina River Channel Improvement Project and installation of culvert pipes in Marikina on August 11, 2025. (Photo from PCO)

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na pag-aralan ang posibilidad ng pagtatayo ng mga karagdagang containment structures sa watershed ng Sierra Madre.

Sa pagtatayo ng istrukturang ito, makokontrol ang daloy ng tubig at mababawasan ang pagbaha sa mabababang lugar gaya ng Marikina, Rizal at ilang bahagi ng Metro Manila.

Makatutulong din ito sa pag-iipon ng tubig na maaaring magamit sa bukirin pagpasok ng panahon ng tagtuyot.

Ang Sierra Madre ang nagsisilbing natural na panangga laban sa bagyo at malalakas na ulan kung kaya ang containment structure ay mahalaga bilang dagdag na proteksyon upang pansamantalang pigilan o ligtas na ilihis ang sobrang tubig mula sa buhos ng ulan.

Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, magsasagawa ang ahensya ng feasibility study upang matukoy ang pinaka-epektibong paraan sa pagpigil ng biglaang agos ng tubig mula sa kabundukan.

Aniya, tinitingnan ng pamahalaan na humingi ng funding assistance mula sa pamahalaan ng Japan.

“In the meantime, the President has instructed us to look into possible containment structures of watersheds of Sierra Madre. Pag-aaralan namin kung ano ang mga pwedeng gagawin namin,” saad ng kalihim.

Nitong Lunes, Agosto 11, personal na ininspeksyon ni Pangulong Marcos Jr. ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project (PMRCIP) sa Marikina Bridge Under Loop sa Barangay Sto. Niño na layong palakasin ang natural na daluyan ng tubig sa Metro Manila nang maiwasan ang malalang pagbaha.

Binisita rin ng Pangulo ang Marikina Control Gate Structure (MCGS) gayundin ang culvert pipes na ikinakabit sa bahagi ng Sumulong Highway at McDonald’s Avenue na magsisilbing dagdag daluyan ng tubig-ulan. – VC

Related Articles