
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Trade and Industry (DTI) na tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon sa mga manufacturer at supplier.
Ipinagbigay-alam ang direktiba kasabay ng pagbisita ng Pangulo sa distribution center ng Century Pacific Food Inc. (CPFI) sa Laguna ngayong Biyernes, Marso 20, kung saan personal na sinuri ng Pangulo ang kalagayan ng suplay ng mga pangunahing bilihin.
Ang Century Pacific ay may pitong modernong manufacturing hubs at 26 na bodega sa buong Pilipinas na nagdi-distribute ng mga produkto tulad ng canned tuna, sardinas, corned beef, at processed milk.
Ayon kay DTI Secretary Maria Cristina Roque, umiikot na ang ahensya sa mga pamilihan at manufacturing facilities upang matiyak na may sapat na imbentaryo ng mga basic necessities at prime commodities, na tatagal ng isa hanggang dalawang buwan.
Wala pa aniyang namo-monitor na kaso ng hoarding sa ngayon, at patuloy ang araw-araw na pagbabantay ng ahensya sa mga grocery at supermarket upang maiwasan ang pagtaas ng presyo.
Kaugnay nito, tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. na magpapatuloy ang monitoring ng pamahalaan sa presyo at suplay ng pagkain upang masiguro ang food sufficiency sa bansa. – IP











