IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM sa mga biktima ng bagyo: ‘Help is on the way’

Ivy Padilla
535
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led a situation briefing in Malacanang Palace today, October 25, on the effects of Severe Tropical Storm Kristine that flooded Bicol and nearby provinces. (Photo by PCO)

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga biktima ng Severe Tropical Storm (STS) Kristine na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya upang masiguro ang kanilang maayos na kalagayan sa gitna ng kalamidad.

Sa isang pahayag, sinabi ng punong ehekutibo na nagpapatuloy ang tulong at suporta ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa mga naapektuhang probinsya.

“Yesterday we started sending aid and commenced rescue operations in the areas affected by STS Kristine. Today, we will continue sending our help and aid,” saad ng Pangulo.

Inatasan aniya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpadala ng mga tauhan at mag-deploy ng vehicles, aircrafts, boats, ships at iba pang transportation assets na sasaklolo sa mga relief operations.

Ipinag-utos din ng Pangulo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na madaliin ang pamamahagi ng family food packs sa mga lokal na pamahalaan.

“As soon as weather permits, the DSWD will mobilize the grant of financial aid under existing government programs,” ani Pangulong Marcos Jr.

Pagpapatupad naman ng ‘quick planting and production’ para sa mga apektadong magsasaka ang ibinilin ng punong ehekutibo sa Department of Agriculture (DA), gayundin ang pagbubukas ng Kadiwa stores sa mga apektadong lugar.

“This, of course, is premised on the grant of immediate assistance, including payment of crop insurance to farmers affected by the typhoon,” saad ng Pangulo.

Tiniyak din ng Pangulo ang pagpapatuloy ng emergency road clearing operations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang hinihikayat ang mga private contractors na tumulong sa pagsasaayos ng mga kalsada at tulay.

Bandang 11:00 a.m. ngayong araw, nagpatupad na ang Department of Trade and Industry (DTI) ng price freeze sa mga pangunahing produkto na ibinebenta sa mga apektadong lugar.

Ang lahat ng nasabing hakbang ay alinsunod sa kanyang direktiba na ihatid ang tulong at rehabilitasyon sa mga nangangailangang Pilipino. -VC

Related Articles

National

Office of Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

108
Views

National

Divine Paguntalan

93
Views