Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga miyembro ng media na makiisa sa pagtiyak ng malinis at tapat na 2025 Midterm Elections.
“I urge you to remain steadfast in these principles that protect the trust bestowed to all of us by the Filipino people,” panawagan ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang pagdalo sa 50th Top Level Management Conference (TLMC) ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ngayong araw, Nobyembre 14.
Binigyang-diin ng punong ehekutibo ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng KBP sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para tumulong sa pagtataguyod ng maayos na halalan sa susunod na taon.
“Let us also explore new and creative ways to engage and inspire the public. We need a citizenry that is not only informed but is also actively involved—vigilant, ready to defend the values that we hold dear,” ani Pangulong Marcos Jr.
Kasabay nito, muling pinagtibay ng Pangulo ang pangako na puprotektahan ang mga mamamahayag sa bansa sa tulong ng bagong talagang head ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) na si Executive Director Jose A. Torres.
Inatasan ng Pangulo ang PTFOMS na paigtingin ang kanilang operasyon sa darating na halalan.
“I asked the PTFOMS to focus their efforts on the members of the local media, whose fearless coverage makes them particularly vulnerable to threats against life, liberty, and security,” saad ng Pangulo.
Nagbaba rin siya ng direktiba na higit palakasin ang pakikipagtulungan sa media kabilang ang KBP, National Press Club (NPC), at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
Ang KBP ay isang non-government at non-profit organization sa bansa na inorganisa noong Abril 27, 1973.
Nagsasagawa ito ng taunang conference para talakayin ang iba’t ibang isyu sa broadcast media, gayundin ang mga plano para sa pagpapaunlad pa ng nasabing industriya. – VC