
Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga bagong halal na opisyal ng League of Provinces of the Philippines (LPP) na maglingkod nang may buong katapatan at ilantad ang mga iregularidad sa mga proyektong ipinatutupad ng parehong lokal at pambansang pamahalaan.
“Paglingkuran natin nang buong katapatan ang sambayanan; tiyakin natin nasa wasto ang mga proyekto na ipinapatupad ng pambansang pamahalaan at ng lalawigan; at isiwalat natin kung may makikitang taliwas,” mensahe ng Pangulo sa oath-taking ceremony ng LPP officials ngayong Miyerkules, Setyembre 3.
Ang panawagan ng lider ay kasunod ng kanyang paglalantad sa mga umano’y maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kamakailan.
Nagbabala rin ang Pangulo na isasama sa blacklist ang mga pribadong kontratista na mapatutunayang sangkot sa mga “ghost project” at maaaring maharap sa mga kaso ng economic sabotage.
“Nagsisimula pa lang ang laban at mahaba pa ang ating tatahakin. Umaasa ako na kasama namin kayo sa bawat hakbang, sa pagsusuri sa mga proyekto, sa pagsasaliwanag sa mga nagkukubli sa kadiliman,” ani Pangulo.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na para sa kapakanan ng bansa ang pondo ng taumbayan at hindi para sa pansariling kapakinabangan ng sinuman. – VC