
Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Pilipino na samantalahin ang mga oportunidad na iniaalok sa mga job fair program ng gobyerno partikular sa nalalapit na paglulunsad ng ‘Trabaho sa Bagong Pilipinas’ sa buong bansa.
Sa kanyang mensahe sa paglulunsad ng programa para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Tagum City, Davao del Norte nitong Sabado, Pebrero 15, binigyang-diin ng lider na naniniwala siya sa kakayahan at determinasyon ng bawat isa na gawing produktibo ang kani-kanyang pamumuhay.
“Hangad ko po ang inyong tagumpay. Kakambal nito ay ang aking panawagan na sana po ay mapalawig pa ninyo ang mga pagkakataon at opoturnidad na nasa inyong harapan,” saad ng Pangulo.
”Naniniwala ako na ang bawat isa sa inyo ay may kakayahan at determinasyon upang gawing produktibo ang inyong pamumuhay,” dagdag pa niya.
Ipinagmalaki ng Pangulo na 1,028 mula sa kabuuang 9,068 mga aplikante ang na-hire on-the-spot mula nang ilunsad ang Trabaho sa Bagong Pilipinas noong Enero 2025 kabilang ang 95 benepisyaryo ng 4Ps.
“Patunay po ito na napakagaling po talaga ng Pilipino, lahat ng ating mga kababayan. Kailangan lang ng pagkakataon katulad ng job fair na ito. Kaya naman gagawin ko po lahat para itong programa na ito ay magkalat sa buong bansa,” ani Pangulong Marcos Jr.
Ang Trabaho sa Bagong Pilipinas program ay inorganisa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na layong bigyan ng oportunidad sa trabaho at tulong pangkabuhayan ang mga miyembro ng 4Ps.
Plano ng pamahalaan na tulungan ang nasa 4.4 milyong mga benepisyaryo ngayong taon kabilang ang 263,238 mula sa Davao Region.