
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sesertipikahan niya bilang ‘urgent’ ang panukalang emergency powers bill bilang tugon sa pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
“I will declare it as urgent because there’s no point declaring it as urgent before the committee report has been completed,” saad ng Pangulo sa isang press briefing sa New York, USA.
Paglilinaw ng Pangulo, dapat munang tapusin ng Senado at Kamara ang kanilang mga committee report bago sertipikahan ang panukalang batas dahil mawawalan ng saysay ang deklarasyon kung hindi pa ito tapos.
Sa ilalim ng Konstitusyon, ang pag-certify sa isang panukala bilang urgent ay nagbibigay-daan upang laktawan ang karaniwang tatlong readings, na magpapabilis sa pagtatalakay at pagpasa ng batas sa Kongreso.
Ayon sa Pangulo, maaaring gamitin ng pamahalaan ang emergency powers kung ang presyo ng langis sa world market ay lumagpas sa average na $80 kada bariles sa loob ng isang buwan.
Gayunpaman, nilinaw nito na kahit maabot ang naturang threshold ay hindi agad awtomatikong ipatutupad ang emergency powers.
Ang panukala ay nag-ugat sa patuloy na geopolitical tensions na maaaring magdulot ng pagtaas sa presyo ng krudo at makaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa. – IP











