IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, sinaksihan ang paglagda ng kasunduan ng DepEd at ilang LGUs para tugunan ang halos 145,000 classroom backlogs

Kristel Isidro
89
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the signing of Memorandum of Agreement (MOA) between the Department of Education (DepEd) and 149 cities to accelerate the construction and rehabilitation of classrooms nationwide. (Photo courtesy of PCO)

Patuloy ang pagsisikap ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tugunan ang matagal nang kakulangan sa mga silid-aralan sa bansa, matapos pormal na malagdaan ang isang kasunduan sa pagitan ng 149 local government units (LGUs) at ng Department of Education (DepEd) ngayong Lunes, Pebrero 23.

Personal na sinaksihan ng Pangulo ang paglagda sa kasunduan na naglalayong pabilisin ang pagpapatayo at pagsasaayos ng mga classroom sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Sa ilalim ng kasunduan, mula sa sentralisadong sistema ng implementasyon ay lilipat na tungo sa mas mabilis at epektibong pamamaraan sa antas ng mga LGU.

Sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na malaki ang maitutulong nito upang mabawasan ang tinatayang 145,000 na classroom backlogs sa buong bansa.

Kumpiyansa ang kalihim na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, mapapabuti ang learning environment ng mga mag-aaral.

Muli ring tiniyak ng Pangulo na nananatiling prayoridad ng administrasyon ang sektor ng edukasyon, kung saan umabot sa P85.4 bilyon ang inilaan ng pamahalaan para sa basic educational facilities, kabilang ang P9.6 bilyon para sa pagpapatayo ng 4,000 bagong silid-aralan.

Iginiit ng Pangulo na ang mga itatayong classroom ay magsisilbing ligtas at maayos na espasyo para sa pagtuturo ng mga guro at pagkatuto ng mga estudyante.

Sa huli, nagpahayag ng kumpiyansa ang Pangulo na sa pamamagitan ng mga itatayong bagong-pasilidad, masisiguro ang mas maliwanag na kinabukasan ng kabataang Pilipino sa ilalim ng layunin ng Bagong Pilipinas. (Ulat mula kay Eugene Fernandez) – VC