IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, sinertipikahan na urgent ang pag-amyenda sa Biofuels Act of 2006

Kristel Isidro
114
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. (Photo courtesy of Office of the Senate President, PCO)

Sinertipikahan na bilang urgent ngayong araw, Marso 16, ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang mag-a-amyenda sa Biofuels Act of 2006, upang makatulong na mapagaan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa bansa.

Iminumungkahi ng Senate Bill No. 1965 ang ilang pagbabago sa batas na naglalayong palakasin ang kakayahan ng bansa na harapin ang posibleng pagkakaantala sa suplay ng enerhiya sa hinaharap.

Dahil sa sertipikasyon, maaari nang aprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukala sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob ng isang araw.

Sa ilalim ng panukala, maaaring pahintulutan ng Pangulo ang pag-angkat ng mga biofuel component tulad ng bioethanol at biodiesel sa loob ng isang taon, kung mas mataas ng hindi bababa sa limang porsyento ang presyo ng blended gasoline kumpara sa purong gasolina.

Gagamitin ang kikitain mula sa taripa at buwis sa mga produkto para sa social amelioration programs na pakikinabangan ng mga magsasaka at manggagawa sa domestic biofuels industry.

Ayon sa Philippine Biodiesel Association (TPBA), nananatiling pinakamaaasahang depensa ng bansa laban sa pagdepende nito sa pag-angkat ng langis ang naturang batas.

Nanawagan ang grupo sa mga mambabatas na palakasin ang kasalukuyang mga polisiya ng batas sa halip na pansamantalang ipatigil. – VC