
Personal na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez at Manila Mayor Isko Moreno, ang unang araw ng pamamahagi ng P5,000 cash relief assistance para sa mga tricycle driver sa Sta. Mesa, Manila ngayong Martes, Marso 17.
Ayon sa Pangulo, layon ng subsidiya na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa kabuhayan ng mga transport worker, sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Sa unang bahagi ng distribusyon, 550 tricycle driver mula sa District 4 ang tumanggap ng P5,000 na tulong, habang 551 pa mula sa District 6 ang inaasahang mabibigyan sa hiwalay na pamamahagi ngayong hapon.
Giit ng Pangulo, ang pagtaas ng presyo ng langis ay hindi lamang nagpapababa sa kita ng mga drayber kundi nagdudulot din ng dagdag pasanin sa mga komyuter na umaasa sa pampublikong transportasyon.
Tinatayang aabot sa 139,000 tricycle driver sa buong Metro Manila ang makikinabang mula sa cash assistance.
Para mapabilis ang pamamahagi, nagtalaga ang pamahalaan ng 30 distribution centers sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. na nagsisimula pa lamang ang pamamahagi ng tulong na inaasahang magbibigay ng pansamantalang ginhawa sa lubos na apektadong sektor.
Sunod naman na mabibigyan ng P5,000 tulong-pinansyal ang mga jeepney driver at drivers ng transport network vehicle services (TNVS).
Maliban sa ayuda, patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga oil companies upang mapag-aralan ang staggered fuel price increases at iba pang hakbang na maaaring makatulong upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa publiko. – VC











