IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, tiniyak ang proteksyon ng mga magsasaka, mangingisda vs. kalamidad

Ivy Padilla
108
Views

[post_view_count]

Photo by Department of Agriculture

Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bibigyang proteksyon ng pamahalaan ang mga magsasaka at mangingisda laban sa mga paparating na kalamidad kasabay ng pagbisita nito sa Isabela ngayong Biyernes, Nobyembre 22.

Hinimok ng punong ehekutibo ang mga benepisyaryo ng Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) at Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs) na mag-enroll sa ilalim ng extensive insurance program ng Department of Agriculture (DA).

“Pinapalawig ng Department of Agriculture ang insurance ng ating [mga] magsasaka at mangingisda upang masiguradong kayo ay handa at protektado sa anumang pinsala ng krisis o sakunang darating sa inyong mga sakahan,” saad ni Pangulong Marcos Jr.

Ang nasabing programa ay nasa ilalim ng Philippine Crop Insurance Corporation na layong bigyang proteksyon ang mga punla at kagamitan sa pagsasaka.

“Ito pong insurance na ito sa mga pananim o kagamitan sa pangingisda ay napakahalaga, lalung-lalo na sa mga rehiyon na madalas tamaan ng bagyo o kalamidad,” paliwanag ng Pangulo.

“Kaya po hinihikayat ko ang ating mga magsasaka at mangingisda na mag-enroll po sa programang ito, yung Philippine Crop Insurance Corporation, upang masiguro po ang proteksyon ng inyong mga kabuhayan laban sa mga sakuna,” dagdag nito.

Tiniyak din ni Pangulong Marcos Jr. na patuloy ang hakbang ng pamahalaan para gawing moderno at angkop sa pagbabago ng klima ang mga proseso at kagamitang pang-agrikultura. – AL