Muling binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lahat ng klase ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ay mahigpit nang ipinagbabawal anumang uri ng lisensya ang kanilang hawak kasunod ng inilabas na Executive Order No. 74.
Sa isang media interview, mariing pinabulaanan ng Pangulo ang umano’y loophole sa pagpapatupad ng kautusan na tuluyang ‘immediate ban on offshore and internet gaming’ sa bansa.
“There’s just no way…because it’s the nature of the operation that we are banning. It’s not because it’s under PAGCOR or not. Basta’t sinabing… basta’t POGO ‘yan, ganyan ang lisensya nila, it’s banned,” paglilinaw ni Pangulong Marcos Jr.
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, inanunsyo ng Pangulo ang pagbabawal sa operasyon ng offshore gaming gayundin ng internet gaming licenses sa bansa dahil pinag-uugatan lamang ito ng iba’t ibang iligal na operasyon na nagbabanta sa kaligtasan ng mga Pilipino.
Matatandaan na nagkaroon na ng mga pagdinig sa Senado at Kamara kaugnay sa mga malalaking POGO hub na sinalakay sa Pampanga at Tarlac dahil sa mga natuklasan na pang-aabuso sa mga empleyado rito.
Sa ilalim ng EO 74, binibigyan ang mga responsableng ahensya ng pamahalaan at mga law enforcement agency nang hanggang Disyembre 31, 2024 o mas maaga pa para ipatupad ang nationwide POGO ban. – VC