
“Malakas na ang loob ko na i-proclaim na buo na ang supply ng kuryente dito sa Siquijor.”
Masayang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na buo at sapat na ang suplay ng kuryente sa probinsya ng Siquijor matapos pangunahan ang ceremonial switch-on ng tatlong bagong diesel power plant na may kabuuang kapasidad na 17.8 megawatts (MW) sa Province of Siquijor Electric Cooperative (PROSIELCO) sa bayan ng Larena.
Ayon sa Pangulo, halos doble na ito sa 9 MW peak demand ng probinsya at may dagdag pa na reserba para sa pangmatagalang pangangailangan.
“Kung ang demand ng Siquijor ay siyam na megawatts, ngayon ay 17 megawatts na ang supply natin kaya’t hindi na magkukulang,” ani Pangulo.
Tiniyak din niya na ang nasabing proyekto ay hindi lamang magpapababa ng insidente ng brownout kundi magsusulong din ng paglago ng lokal na ekonomiya sa isla.
Matatagpuan ang mga bagong planta sa Larena (4.4 MW), Lazi (6.6 MW), at Siquijor (6.8 MW), na itinayo sa pakikipagtulungan ng National Electrification Administration (NEA), PROSIELCO, at Cebu Electric Cooperative (CEBECO) I at III, matapos ipawalang-bisa ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang operasyon ng Siquijor Island Power Corp. (SIPCOR) dahil sa mga paglabag. –VC