IBCTV13
www.ibctv13.com

PH-China, pinagtibay ang kasunduan na pahupain ang tensyon sa South China Sea

Jerson Robles
90
Views

[post_view_count]

The Philippines and China convened the 10th Meeting of the Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea on Thursday, January 16. (Photo from DFA)

Tagumpay na naiparating ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang posisyon ng Pilipinas patungkol sa South China Sea (SCS) sa isinagawang 10th Bilateral Consultation Mechanism (BCM) meeting kasama ang China nitong Huwebes, Enero 16.

Nagkaroon ng “frank and constructive” na diskurso sina DFA Undersecretary Ma. Theresa P. Lazaro at Chinese Vice Foreign Minister Chen Xiaodong tungkol sa sitwasyon sa SCS at iba pang isyung bilateral.

Sa kanyang opening remarks, binigyang-diin ni Usec. Lazaro na mananatiling matatag ang posisyon ng Pilipinas sa bahaging katubigan habang hindi sinasara ang pintuan para sa pakikipag-diyalogo.

“Our position is clear and consistent, but so is our willingness to engage in dialogue. We firmly believe that despite the unresolved challenges and differences, there is genuine space for diplomatic and pragmatic cooperation in dealing with our issues in the South China Sea,” pahayag ni Lazaro.

Nagpalitan din ng pananaw ang dalawang bansa tungkol sa Provisional Understanding para sa rotation at reprovisioning (RORE) missions ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal habang kinilala ang mga positibong resulta nito at nagkasundo na ipagpatuloy ang pagpapatupad nito upang mapanatili ang “de-escalation of tensions” nang may paggalang sa kanya-kanyang posisyon.

Kabilang pa sa ipinahayag ng Pilipinas sa China ang seryosong pagkabahala ukol sa mga kamakailang insidente sa SCS, partikular ang mga aktibidad ng China Coast Guard (CCG) 5901 at CCG 3103 sa mga maritime zone ng Pilipinas na hindi nakasunod sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at Philippine Maritime Zones Act.

Napagkasunduan naman sa pagpupulong na muling palakasin ang plataporma para sa kooperasyon ng mga coast guard at pag-aralan ang ocean meteorology bilang posibleng “area of focus” para sa isang workshop na may kinalaman sa marine scientific cooperation.

Sa huli, binigyang-diin ni Usec. Lazaro ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pangako ng Pilipinas na lutasin ang isyu sa SCS sa pamamagitan ng diyalogo at diplomasya.

Wala pang nakatakdang petsa ang susunod na BCM na pangungunahan ng Pilipinas. –
VC