Nangako ang Pilipinas, Estados Unidos, at Japan na patuloy na palalakasin ang kanilang trilateral ties partikular sa kooperasyon sa ekonomiya, maritime, at teknolohiya.
Sa matagumpay na trilateral phone call kasama sina outgoing US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Ishiba Shigeru, ipinarating ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang kumpiyansa na magpapatuloy ang mas malapit na pagtutulungan ng tatlong bansa upang mapanatili ang mga nakamit na progreso.
“I am confident that our three countries will continue to work together closely to sustain the gains that we have made in enhancing and deepening our ties,” wika ng Pangulo.
Noong Abril 11, 2024, dumalo si Pangulong Marcos Jr. sa isang trilateral summit kasama sina Pres. Biden at former Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Washington D.C. kung saan muli nilang pinagtibay ang kanilang mga pangako tungo sa isang mapayapa at masaganang Indo-Pacific region.
Mula rito, ibinida ng Pangulo ang makabuluhang pag-unlad sa implementasyon ng bilateral at trilateral cooperation sa pagitan ng Pilipinas, Estados Unidos, at Japan magmula nang ipatupad ang Trilateral Joint Vision Statement.
Kabilang na rito ang pagkakaroon ng “inclusive economic growth, emerging technologies, and climate cooperation.”
Sumang-ayon naman si Biden sa naging pahayag ni Pangulong Marcos Jr. na gumawa ng isang makasaysayang progreso ang tatlong bansa.
“Since then, we’ve made historic progress in our trilateral partnership, especially in areas of maritime security, economic security, technology cooperation, and high-quality infrastructure investments … We should continue to deepen our cooperation in these areas, I believe,” saad ni Biden.
Binigyang-diin din ni Japanese PM Shigeru ang kahalagahan ng pagpapalalim ng kooperasyon sa iba’t-bang larangan upang mas mapabuti ang ugnayan ng tatlong bansa.
“Going forward, it is important to deepen trilateral cooperation in a variety of fields,” saad ni Shigeru. – VC