
Inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang Phases 2 at 3 ng National Fiber Backbone (NFB) Project, bilang bahagi ng mas malawak na plano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing “fully connected” ang buong bansa.
Mula sa tagumpay ng Phase 1 noong 2024, na nakapagpatayo ng 1,245-kilometrong high-speed fiber optic network mula Laoag hanggang Quezon City, target na ngayon ng DICT na abutin ang mas maraming probinsya sa Visayas at Mindanao.
Sa pamamagitan ng Phases 2 at 3, madaragdagan ng 31 nodes ang fiber network sa bansa, na inaasahang magdadala ng 100 Gbps bandwidth sa higit 1,000 ahensya ng gobyerno at mahigit 1.3 milyong user sa hindi bababa sa 20 probinsya.
Kabilang sa maaabot na probinsya ang Cagayan Valley, Calabarzon, Bicol Region, Eastern Visayas, at ang mga lungsod ng Cagayan de Oro at Davao.
Ayon sa DICT, layunin nitong makamit ang full connectivity sa buong bansa bago ang taong 2028, sa tulong ng Middle Mile Network at mga last-mile project gaya ng Free Wi-Fi for All Program at GovNet.
Ang proyekto ay hindi lamang nakatuon sa mas mabilis na internet, kundi sa pundasyon ng pamahalaan tungo sa mas maayos na online education, e-healthcare, at government services.
Sa ilalim ng prinsipyo ng “Digital Bayanihan,” muling pinagtibay ng pamahalaan ang pangakong i-angat ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng teknolohiya. – VC