Walang dalang ashfall ang phreatomagmatic eruption ng bulkang Taal na naganap nitong Miyerkules ng hapon, 4:21 p.m., Oktubre 2, ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol.
Sa ulat ng Phivolcs, nagtagal ng 11 minuto ang naturang pagputok ng bulkan na nagresulta sa usok na umabot ng 2,400 metro ang taas.
“We did not receive any report of ashfall among the towns surrounding the Taal Volcano. Most likely, the ashes fell on the Taal Volcano Island,” ani Bacolcol.
Nauna nang ipinaliwanag ni Bacolcol na ang phreatomagmatic eruption ay nangyayari dahil sa ‘contact’ ng tubig at magma sa bulkan.
Samantala, nagpaalala naman ang Phivolcs director na iwasan munang pumasok sa Taal Volcano Island dahil maaari itong magdulot ng hirap sa paghinga, iritasyon ng lalamunan at mata, pati na rin ang posibleng epekto nito sa respiratory condition ng isang indibidwal.
Sa kabila ng phreatomagmatic eruption, walang nakikitang dahilan ang Phivolcs upang itaas ang Alert Level ng bulkan mula sa kasalukuyang Alert Level 1.