Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang Pilipinas ang bagong country coordinator ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-India Dialogue Relations mula 2024-2027.
Unang isusulong ng Pangulo ang mapalakas ang ugnayan at pakikipagtulungan ng Pilipinas sa India sa iba’t ibang sektor.
Ito ay sa pamamagitan ng mga inisyatibo na nakasaad sa ‘ASEAN Outlook on the Indo-Pacific’ at ‘Act East Policy’ o ang polisiya ng India pagdating sa ekonomiya at relasyon sa ibang bansa.
“We are building a brighter future, one where our youth, economies and intertwined cultures thrive as one community,” saad ng Pangulo.
Sa ginanap na 21st ASEAN-India Summit, nagpahayag din ng suporta ang Pangulo para sa pagrerebyu sa ASEAN-India Trade in Goods Agreement (AITIGA) na layong bumuo ng ‘user-friendly’ at mas simpleng mga kasunduan na pakikinabangan ng mga negosyo gaya ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Nakikita ng Pangulo na makatutulong sa pagbabawas ng limitasyon pagdating sa kalakalan ang AITIGA.
“Once again, the Philippines is honored to play a positive role in promoting ASEAN-India Dialogue Relations. We are confident that our shared values, which are the basis of our 75 years of vibrant bilateral relations, will benefit ASEAN-India relations for the betterment of our region and our peoples,” mensahe ng Pangulo. -VC