
Ipinagtanggol ng delegasyon ng Pilipinas ang Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020 sa harap ng United Nations (UN) kasabay ang pagpapatibay sa pangakong patuloy na igagalang ang karapatang pantao sa bansa.
Sa Constructive Dialogue ng International Covenant on Economic, Social, and Cultural Rights (ICESCR) na ginanap sa Geneva, Switzerland noong Pebrero 18-19, binigyang-diin ng delegasyon, sa pangunguna ni National Economics and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon, ang balanseng pagtugon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa seguridad ng publiko at sa pangangalaga ng kalayaan ng mamamayan.
Kasabay nito, pinasinungalingan ni National Security Council (NSC) Assistant Director-General Jonathan Malaya ang mga alegasyon na ginagamit ng administrasyon ang ATA sa maling paraan.
Aniya, mahigpit ang proseso ng batas at lahat ng kasong isinampa sa ilalim nito ay dumaan sa masusing imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ), at pag-apruba ng korte bago maglabas ng warrant of arrest.
“All cases filed for violation of the ATA are a result of extensive investigation and evidence gathered by law enforcement agencies. The prosecutors of the Department of Justice conducted preliminary investigation, found probable cause to indict the respondents, and filed the necessary information before the courts,” saad ni Malaya.
Bilang katunayan, ipinagmalaki ni Malaya ang pagbaba ng ranking ng Pilipinas sa Global Terrorism Index mula sa ika-10 bansang pinaka-apektado ng terorismo, bumaba ito sa ika-19 na pwesto at inaasahang mas bababa pa habang mas pinaiigting ng pamahalaan ang paggamit ng ATA kontra terorismo.
Upang matiyak naman na hindi ito maaabuso, naglabas ang Korte Suprema ng “Rules on the Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020 and Related Laws”, na nagtatakda ng malinaw na alituntunin sa mga usaping tulad ng detensyon, surveillance orders, designation, at proscription. – VC