Naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas kaugnay sa nagpapatuloy na iligal na presensya at aktibidad ng China Coast Guard (CCG) mula sa pagpapadala ng monster ship at pagpapalipad ng air asset sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, mariing kinondena ng National Maritime Council (NMC) ang paglabag ng China sa mga karapatan ng Pilipinas, alinsunod sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Ruling.
Noong Enero 5 at 10, namataan ang mga barko ng CCG — CCG 5901, na tinaguriang “monster ship,” at CCG 3304, sa paligid ng Bajo de Masinloc kung saan humigit-kumulang 70-90 nautical miles ang layo mula sa baybayin ng Zambales.
Bilang tugon, muling hinamon ng PCG ang mga barko ng China upang lisanin ang teritoryo ng bansa habang inaatake ng isang helicopter mula sa People’s Liberation Army-Navy (PLA-N).
Patuloy ang determinasyon ng pamahalaan na ipagtanggol ang soberanya at karapatan ng bansa sa sariling maritime zones, habang hinihimok ang China na itigil ang mga ilegal na aksyon nito.
Binigyang-diin ng NMC na nananatiling matatag ang Pilipinas sa pagpapalakas ng “maritime law and enforcement” at pagbibigay ng suporta sa mga mangingisdang Pilipino sa WPS, kasabay ng panawagan nito para sa paggalang sa mga batas ng bansa at internasyonal na obligasyon. – VC