Matagumpay na nakakuha ang gobyerno ng Pilipinas ng Official Development Assistance (ODA) loan na nagkakahalaga ng $905.26 milyon mula sa Republic of Korea.
Nakatakdang gamitin ang nasabing pondo para sa konstruksyon ng Phase 1 at Stage 1 ng Laguna Lakeshore Road Network (LLRN) Project na bahagi ng Build Better More program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dinaluhan nina Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan, Export-Import Bank of Korea (KEXIM) Executive Director Um Sung-Yong, Korea’s Ministry of Economy and Finance First Vice Minister Kim Beom-Seok, at Department of Finance (DOF) Undersecretary Joven Z. Balbosa ang ceremonial exchange ng loan agreements nitong Biyernes, Enero 17.
Binigyang-diin ni DPWH Sec. Bonoan na mahalaga ang LLRN project para sa pagkonekta at higit na pagpapaunlad sa ekonomiya ng Luzon corridor, partikular na ng National Capital Region, Laguna, Rizal, Cavite, at Batangas.
Layon din ng proyekto na maghatid ng ligtas at mabilis na biyahe dahil inaasahang mababawasan nito ang bigat ng daloy ng trapiko sa Laguna at portion ng South Luzon Expressway.
Nagpasalamat naman si Bonoan sa KEXIM para sa patuloy na pakikipagtulungan at pagsuporta sa mga infrastructure development goal ng bansa.
Nakatakdang simulan ang konstruksyon ng nasabing proyekto ngayong 2025 at inaasahang matatapos sa 2029.