
Nakatakdang pangunahan ng Pilipinas ang selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation (TAC) ng Southeast Asia sa darating na Hulyo 24, bilang isang kasunduang pundasyon ng kapayapaan sa pagitan ng mga estado.
Bilang bahagi ng paggunita nito, maglalabas ng opisyal na 50th Anniversary logo sa pamamagitan ng social media platforms ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Makasaysayan para sa bansa ang isasagawang pagdiriwang dahil sa paglipat ng ASEAN Chairship sa Pilipinas, na may layuning ipagpatuloy ang tungkuling hubugin ang pangrehiyon na kooperasyon.
Matatandaang isa ang Pilipinas sa limang orihinal na lumagda sa nasabing kasunduan noong 1976 sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Mula sa limang founding members kabilang ang Indonesia, Malaysia, Singapore, at Thailand, tinatanggap at niyayakap na ang TAC bilang isang balangkas ng 58 High Contracting Parties sa buong mundo.
Sinisimbolo din ng TAC ang layunin ng ASEAN na magkaroon ng payapang pakikipag-ugnayan, paggalang sa soberanya at territorial integrity, hindi panghihimasok sa mga usaping panloob, payapang pagsasaayos ng hindi pagkakaunawaan, at pagtakwil ng mga kasaping bansa sa karahasan.
Isasagawa ang pagdiriwang sa sidelines ng 59th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting (AMM) and Related Meetings. – MP











