
Opisyal nang inalis ng European Union (EU) ang Pilipinas mula sa listahan ng mga bansang “high-risk” para sa money laundering at terrorism financing, epektibo mula noong Agosto 5.
Sa regulasyong inaprubahan ng European Commission noong Hunyo, kinilala ang malaking progreso ng Pilipinas sa pagpapatibay ng mga hakbang sa anti-money laundering at counter-terrorism financing (AML/CTF).
Kasama rin sa mga bansang tinanggal sa listahan ang Barbados, Gibraltar, Jamaica, Panama, Senegal, Uganda, at United Arab Emirates.
Tinawag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang desisyon bilang malinaw na indikasyon ng lumalakas na kumpiyansa ng international community sa sistemang pinansyal ng bansa.
“Ibig sabihin lang nito ay patuloy ang paglakas ng anti-money laundering at anti-terrorism financing measure ng bansa,” saad ni Castro.
“Ayon na rin sa utos ni Pangulong Marcos Jr., lalo pang pag-iigihin ng BSP ang mga reporma upang palakasin ang ating financial system na siya namang magsusulong ng economic growth and global confidence,” dagdag niya.
Kaugnay nito, nagpahayag din ng paninindigan si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli M. Remolona Jr. na ipagpapatuloy ang mga reporma upang palakasin ang AML/CTPF supervision at tiyaking matatag, inklusibo, at kagalang-galang ang sektor pinansyal ng Pilipinas.
Dagdag ng BSP, ang pagkakalista ng Pilipinas bilang compliant country ay magdudulot ng mas mababang remittance fees, mas malakas na ugnayan sa international banks, at mas mataas na kumpiyansa para sa mamumuhunan. – VC