
Mariing kinontra ng Pilipinas ang pagtawag ni Chinese Foreign Minister Wang Yi sa mga insidente sa West Philippine Sea bilang ‘mere theatre staged’ na pinapatakbo umano ng ibang dayuhang bansa.
Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang Pilipinas ay may sariling desisyon at hakbang na nakabatay sa pambansang interes at kapakanan ng mamamayang Pilipino.
“China should recognize that the Philippines is an independent and sovereign state whose actions and decisions are driven entirely by national interest and the interests and well-being of the Filipino people,” pahayag ng DFA.
Dagdag ng kagawaran, hindi matatakpan ng anumang pagpapaikot na salita ang tunay na isyu sa WPS kung saan patuloy ang iligal na pamamalagi ng China, isang malinaw na paglabag sa international law, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ng 1982 at sa 2016 Arbitral Award.
Kaugnay nito, nanawagan ang DFA sa China na sundin na lamang ang umiiral na international law at itigil na ang mga aksyon na lalong nagpapataas ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Hinimok din ng Pilipinas ang iba pang mga bansa na maging maingat sa kanilang inilalabas na pahayag at mga pagkilos upang hindi na lumala pa ang sitwasyon sa naturang rehiyon. – VC