IBCTV13
www.ibctv13.com

Pilot ng zero-balance billing sa mga LGU hospital, sisimulan sa 5 probinsiya – DOH

Kristel Isidro
218
Views

[post_view_count]

Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa at a press briefing in Malacañang, Wednesday, January 7, 2026. (Photo courtesy of PCO)

Nakatakdang ipatupad ng Department of Health (DOH) ang pilot implementation ng zero-balance billing (ZBB) program sa mga pampublikong ospital ng local government units (LGUs) sa limang probinsiya, bilang bahagi ng layunin ng pamahalaan na alisin ang gastusin ng mga kwalipikadong pasyente.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, maglalaan ang DOH ng P1 bilyon ngayong taon para sa pagpapatupad ng ZBB sa piling secondary at tertiary LGU hospitals, mula sa kabuuang P448 bilyong pondo ng ahensya para sa 2026.

Ang zero balance billing ay applicable para sa mga pasyenteng naka-admit sa basic o ward sa mga ospital ng DOH alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Kabilang sa limang probinsiya na unang sasaklawin ng pilot program ng ZBB ang Sarangani, Laguna, at Aklan.

Ipinaliwanag naman ng kalihim na ang pilot phase ay tututok lamang sa Level 2 at 3 na ospital ng mga lokal na pamahalaan na nagbibigay ng espesyal na serbisyong medikal, habang gagawin ding prayoridad ang mga LGU-run hospital sa mga lalawigang walang DOH-retained hospitals.

Para naman sa iba pang lokal na pamahalaan na hindi agad masasama sa pilot program, sinabi ni Herbosa na maaari pa rin silang tulungan ng DOH sa pamamagitan ng Medical Assistance for Indigents and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).

Inihayag din ng kalihim na magkakaroon ng pormal na kasunduan ang mga ospital ng kagawaran sa mga LGU hospital upang mailipat ang mga pasyenteng hindi na kayang tanggapin sa basic accommodation.

Ayon sa DOH, tinatayang mahigit isang milyong pasyente na ang nakinabang sa programa mula nang ipatupad ito sa mga ospital ng ahensya. –VC

Related Articles

National

Jose Cielito Reganit, Philippine National Agency

132
Views